-tulalang isda
Sa apat na taon akong nag-aral ng pilosopiya, iisang bes lang akong naka-attend sa isang talk, at ito pa ay sa isang pamantasan sa may Katipunan nitong Hulyo, dalawang buwan matapos akong makapagtapos (Shet proud na naka-graduate). Wala lang, sinubukan ko lang para matiyak na gusto ko pa ang pilosopiya.
imahe mula sa stoneforest.org |
1. Una, sinabi nya na ang etika ni Hume ay nakabatay pa rin sa mga "commonly shared values" tulad ng Katarungan, Pagtitiis, Pagtitimpi atpb. Kung tama ang tanda ko sa kanyang paliwanag, ipinagpalagay nyang ang mga pinagsasaluhang values ang syang dahilan kung bakit kinakailangang maging di-interesado ang isang tao sa isang bagay na nakapagdudulot ng personal na saya. Inihalimbawa pa nya ang sarap na kumain ng pizza, ngunit ang pagtitimping isasabuhay sa kadahilanang mayroon syang ibang kasama na nagnanais ding makakain.
Ikinokekta nya ang pagiging di-interesado ng isang tao sa pangangailangang makipag-ugnayan sa ibang tao. Ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa ibang tao, ayon sa kanya ay bahagi pa rin ng etika ni David Hume. Isang halimbawa nito, wika nya ay ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga nasyonalidad at lahi. Sa madaling sabi, sapagkat may mga pinagsasaluhang values, dapat maging di-interesado sa mga bagay na nagdudulot ng personal na saya dahil sa presensya ng iba, at dahil may presensya ng iba, dapat matutong makipag-ugnayan sa kanila. (Something like that. Sorry sabaw na malabnaw.)
2. Pangalawa, sinabi nya na sa ilang aspeto na "common" din sa mga tao nakasalalay ang estetika ni Hume. Ayon kay Hume, may iilang piling taong sanay na magtatakda ng halaga ng isang likhang-sining. (Di ko na to pahahabain ah?) Ikinonekta nya ang estetika ni Hume sa etika nito at binigyang-diin ang pakikipag-ugnayan sa 'iba'. Sa estetika, inihalimbawa nya na hindi lamang dapat makuntento sa panunuod ng mga koreanovelas. Bagkus, dapat na sumubok din ng ibang palabas na sa tantya ng mga eksperto ay mas may kabuhulan.
Saan pumapasok dito ang kabuting-asal o manners?
Ayon sa nagsalita (Pasensya na talaga ha), hindi nga naman arawan ang usapin ng etika. Hindi naman arawan na mayroon tayong napapatay, halimbawa. Ngunit, araw-araw tayong nakikisalamuha sa kapwa. Ang kagandahang-asal, na tila ba nasa pagitan ng etika at estetika ang sya nating arawan kung gawin, sapagkat, hindi natin mapipili, palagi tayong kasama ng iba at may kasamang iba.
Sa totoo lang, sa pamantasang aking pinagtapusan, tila ba hindi na isyu ang kagandahang-asal. Sa totoo lang, dito ko natutunang hindi naman kailangang bumati ng pagkagalang-galang na good morning o good afternoon sa mga dalubguro at opisyal ng institusyon. Dito ko rin natutunan na ka-plastikan ang magpigil sa tunay na nararamdaman at mas mahalagang maging totoo kaysa maging "nice."
Inaamin ko na hindi ako masyadong magalang, na nakakabastos din ako, at malamang nagiging rude din ako sa mga ka-edad ko man at hindi.
Ngunit, napag-isip-isip din ako muli matapos makakinig ng nasabing talk.
Bagamat sa tingin ko, mas dapat na maging pundasyon ng nasabing pangangailangang makipag-ugnayan sa iba ang kaibahan ng pagtanggap at pag-unawa sa mga nasabing commonly shared values higit sa pagkakapareho ng pagpapahalaga sa mga ito, umaayon naman ako na kinakailangan nga itong pag-usapan.
Kailangan nga itong pag-usapan sapagkat araw-araw tayong nakikisalamuha sa kapwa natin. Totoong napakasarap sa pakiramdam na mailabas ang mga emosyon tulad ng galit, inis o pagka-irita. Mayroong kaginhawaan at 'sense of relief' itong naidudulot sa sarili. Ngunit hindi naman maaring ganun di ba? Hindi naman maaring kapag nairita ako sa katrabaho ko ay basta basta na lang akong maninigaw lalo pat kung mas nakatatanda sya. Dapat akong magtimpi at magpigil ng damdamin, kasi ano bang malay ko, ganoon lang din pala sya sa akin?
Ganito: Lahat tayo ay mayroong kagaspangan sa pag-uugali ano pa mang paghahasa sa asal ang gawin natin. Talagang mayroon at mayroong masasabi ang kapwa natin na hindi kagandahan patungkol sa pag-aasal natin, idagdag pa ang mga patungkol sa pagkatao na mismo natin.
Ngunit ang punto ay heto: Na dapat magkaroon tayo ng kaunting pagkontrol sa ating mga emosyon. Na tulad sa inihalimbawa sa itaas tungkol sa pagtitimpi sa pagkain, dapat tayong magkaroon ng kaunting pagtitimpi sa pag-uugali. Kung sa pagkain, dahil baka mayroon pa tayong nagugutom na kasama, sa pag-uugali naman ay dahil baka hindi pala 'ito' katanggap-tanggap sa kanya. Wala tayong magagawa kung 'magpigil'. Wala tayong magagawa dahil sa wika nga ni Heidegger (imbento na lang ata to) as being(s)-in-the-world, we essentially co-exist with the objective reality and other beings. And thus, we should act under the light of "care." (echos)
imahe mula sa irancartoon.ir |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento