Aaminin ko, isa ako sa maraming Pilipino ngayon na maskomportable sa paggamit ng wikang Ingles. Bilang isang dating dalubguro ng Pilosopiya sa isang pamantasan, at isa sa maraming Pilipino na nagtrabaho sa call center, ang wikang Ingles ay naging bahagi na ito ng pang-araw-araw kong pamumuhay. Sa silid-aralan, ang wikang gamit upang magturo ng mga asignatura sa Pilosopiya tulad ng Lohika at Etika, kailangan mong gamitin ang Ingles bilang wikang gamit sa pagtuturo. Mahirap naman isalin sa wika natin ang mga terminolohiyang synthetic a priori, Boolean Algebra, propositional calculus, atbp. Ganun din sa call center, libo-libong banyaga ang nakausap ko nitong nakaraang taon lamang, may Awstralyano, Tsino, Indiano, Amerikano, Griyego at kung anu-ano pang lahi. Kada tawag ang madalas na bubungad sa’yo “G’day mate how you goin’ today?” (gud-die mayt, how yu go-win to die?). Akala mo tinatanong ka kung paano ka mamamatay. Halos na-adopt ko na ang kanilang punto (accent). Sa pagsasalita ng Ingles, ako ay mas naging non-rotiko (non-rhotic). Aaminin ko, hindi na ako ganun katatas sa ating Wikang Pambansa. Gayunpaman, mananatili at mananatili ito sa aking puso gaano man ko maging katatas sa iba pang wikang aking inaaral tulad ng wikang Español at wikang Nihongo.
Bago ko isulat ito, kausap ko kagabi ang isa sa mga dati kong mag-aaral sa isang asignaturang pampanitikan sa facebook at cellphone, pinag-uusapan namin ang tungkol sa sikat na artikulo ng isang mag-aaral mula sa Ateneo, si G. James Soriano. Ang wika ko sa aking mag-aaral na ngayon ay isang malapit na kaibigan, “magsulat kaya ako ng isang tugon sa artikulo ni G. Soriano sa baybayin?” Ngunit aking napagtanto ang mga suliraning pangkomunikasyon na haharapin nito. Tunay nga na may font nang baybayin (o maskilala sa ngalang Alibata, ngunit mali ang huli), at para magawa ito, kailangan ko pang i-download ang ganoong font, at ganoon din sa aking magiging mambabasa. At higit sa lahat, ilan bas a mga modernong Pilipino ngayon ang marunong magbasa sa panulat na baybayin? Iilang dalubhasa at iilang mag-aaral lamang ang nakakabasa nito kahit na ito ay simple lamang at madaling matutunan. Tulad ng ibang panulat sa Asya, ang baybayin ay kabilang sa tipong Abugida tulad ng hiragana ng bansang Hapon, hangul ng Republika ng Korea (South Korea), at bramiko ng mga nasyong Indiko tulad ng India, Pakistan, at Thailand. Kaya ngayon, ang mga titik sa artikulong ito ay Romanisado.
Oo, hindi ko kayang panindigan na isulat ang artikulong ito na hindi gagamit ng mga hiram na salita dahil sa ilang suliranin ng pagsasaling-wika. Matibay itong makikita sa simula pa lamang ng artikulong ito. Ang wika natin ay Wikang Buhay, sa madaling sabi, ito ay patuloy na nagbabago at nakikisama sa kalagayang pulitikal, ekonomiko, kultural at sikolohikal. Sa mahabang kasaysayan ng ating bansa at ng ating wika, marami na tayong pinakisamahang pag-inog na kultural na isang internasyonal na penomenon (phenomenon). Nandiyan ang hippie, rock, hiphop, emo, jejemon, at bekimon. Sa katunayan, ang huli ay ebolusyon na lamang ng mga nauna pang sistema ng komunikasyon ng mga kapatid nating nasa ikatlong kasarian. Nang ako’y magtungo sa Davao, doon ko napag-alaman na iba rin ang sistemang gramatiko at leksikal ng mga nasa ikatlong kasarian sa Kabisayaan at Mindanao. Ang jejemon naman ay natanyag dahil sa kakaibang leksikal na istraktura ng mga kabataang nahihilig sa pag-te-text. Sa ganitong mga pangyayari, masasabi at makikita natin na ang ating wika ay tunay na buhay, nakikisama at nagbabago ayon sa kaligirang pangangailangan nito.
Noong ako’y nasa pamantasan, bago magtapos, ang aking thesis ay tungkol sa Intra-istruktural na Limitasyon ng Wika, Pag-iisip, at Gawi ng mga Tao. Sa pananaliksik na ito, aking binigyang diin na ang pag-iisip at gawi ng tao ay limitado sa kung anong wika ang mayroon s’ya. Kung kaya’t masmalawak ang limitasyon ng kaisipan ng isang taong masmaraming alam na wika, tulad ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Mapalad tayong mga Pilipino na pagkapanganak pa lamang, may potensiyal na tayong maging bilingual, at maaari pang maging multilingual depende sa pangkat etnikong kinabibilangan natin at sa dayuhang lahi natin kung ito ay kalalakhan.
Pinalaki ako ng aking mga magulang sa wikang Ingles, ayon na rin sa kagustuhan ng mga kamag-anakan namin na nasa Estados Unidos na naninirahan at madalas na nagbabalikbayan. Ang kanilang paniniwala: ang batang kinalakhan ang wikang Ingles ay higit na masmatalino kaysa sa isang batang unang natuto sa wikang Filipino; masnakakamangha ito sa marami, sosyal ika nga. Kasabay ng wikang Ingles, natuto akong magbasa at magsulat sa Filipino sa edad na 2. Kailangan kong matuto sa wikang Filipino higit sa Ingles sapagkat ang mga kalaro ko noon ay nagsasalita ng Tagalog, at ang wikang Ingles ay ang wikang mga elitista ang kadalasang may gamit. Kapag sa Ingles ka nagwika, magiging tampulan ka ng tukso at pang-aasar, ‘Spokening Dollar’ ika nila. Di naglaon, ang tatas ko sa wikang banyaga ay natabunan ng higit kong tatas sa Filipino.
Sa aking paglaki, namulat ako sa iba pang mga wika. Mi abuela es bueno en la lengua Española y Latina (ang aking lola ay magaling sa wikang Espanyol at Latin). Kadalasan, sa mga wikang ito s’ya nagdadasal, doon ko unang natutunan ang mga banyagang wikang ito. Sa pagsasaling-wika ko rito, mashigit akong nakakapagsalin sa paraang Filipino tungo Español at Español tungo sa Filipino kumpara sa paraang Español-English-Filipino at Filipino-English-Español o sa English-Español at Español-English. Dahil ito siguro na karamihan sa bokabularyo natin ay galing sa wikang Español. Dahil din sa lola ko, natuto ako ng ilang salita at pangugusap sa kapampangan dahil s’ya ay mula sa Pampanga. Ilan dito ang “nanung buri mo?” kapag tinatanong ako ng kung ano ang gusto ko, ”mekeni!” kapag ako ay tinatawag, at isang nakakatuwang pangungusap para sa maraming Pilipinong Tagalog “nasapo keng bola keng lalam ng tete”, na ang kahulugan ay nasalo ko ang bola sa ilalim ng tulay (I caught the ball under the bridge). Nandiyan din ang biro na ang itlog pagtawid mo sa tulay ng Pulilan ay magiging ebun na [After crossing the bridge of Pulilan, your egg (itlog) becomes a bird (ebun,or ibon for Tagalog is a bird)]. Dahil din sa aming kasambahay dati, natuto rin ako ng Ilonggo. Sa pagpunta sa Davao, natuto ako ng konting Cebuano, at sa Baguio, ilang salitang Ilocano naman ang aking natutunan.
Sa sistema ng Edukasyon na mayroon ang ating bansa, dalawang asignaturang pangwika ang dapat nating aralin, Filipino at Ingles. Anim na taon sa Elementarya, apat na taon sa Mataas na Paaralan, at tig-siyam na rekwisitong yunit sa parehas na wika pagdating sa pamantasan. Ang agham at matematika ay tinuturo rin sa wikang Ingles. Sa labindalawang taong pag-aaral ng Ingles o higit pa, maliit na bahagi lamang ng mga mag-aaral natin ang tunay na matatas sa wikang ito. Malamang, may ilang pagkukulang tayo sa sistema ng ating Edukasyon kung bakit ito nangyayari. Nasasakripisyo na ang ating sariling wika ngunit tila kulang pa ito para lamang matutunan ang wikang banyaga.
Sa listahan ng mga wika, mayroon tayong sariling uri ng Ingles, tinuring ito ng mga dalubhasa sa wika bilang ‘Philippine English’. Ang ortograpiya at sistemang gramatiko nito ay base sa Pamantayang Amerikano, ngunit ang ponolohiya ay impluwensiya ng Pangkat ng mga Wikang Malayo. Karamihan ng mga Pilipinong nag-i-ingles, kahit ang mga aral, ay may suliranin sa pagbigkas ng /f/ at /v/, at higit na mas-rotiko ang ating pagbigkas kumpara sa mga Amerikano dahil sa impluwensiyang Kastila.
Sa artikulong sinulat ni G. Soriano, na isinulat sa ayon sa kanyang pananaw, marahil gusto lamang niya tayong imulat sa kung gaano na natin napabayaan ang ating wika, na ayon sa kanya, “Filipino…was always the ‘other’ subject…” na halos tulad na ng PE at Home Economics pero kasing bigat ng Agham, Matematika at Ingles pagdating sa kaukulang yunit at pagbibigay ng grado. At dahilan nito, isa s’ya sa ilang Pilipino na nagsasabing ang wikang Filipino ay hindi wika ng pagkatuto (language of learning) ‘di tulad ng Ingles, na ito’y kanya lamang ginagamit kapag kausap n’ya ang kanilang kasambahay (katulong ayon kay G. Soriano), si Manong, mga tindera, mga kamag-anak sa probinsya at mga tao sa kalye. Sa linya ng kanyang mga proposisyon, ang Filipino ay importante lamang dahil ito ay praktikal, wika sa labas ng silid-aralan. Aking iniisip ngayon, purong Ingles yata sila magkwentuhan sa kanilang paaralan. Galing nga s’ya sa Ateneo at tanyag ito sa pag-i-ingles ng mga mag-aaral nito, at nakita ko naman, bilang isang dating nag-aral sa pamantasang iyon, na maraming mag-aaral ang nagkukuwentuhan sa wikang Tagalog.
Sa kanyang panulat, banaag mo ang elitistang lipunang kinalakhan niya. Isang malaking ebidensya ay ang kanyang code-switching na madalas makikita sa lipunang elitista ng Pilipinas. “To tell your katulong that you had an utos, and how you texted manong when you needed sundo na”. Maaaring gusto n’ya tayong imulat, at dahil doon, salamat G. Soriano. Ngunit sana man lamang ay naging mas sensitibo ka sa iyong pagsusulat. Oo, kumambyo s’ya sa pagwikang “it might have the capacity to be the language of learning…” pero bigla na naman s’yang humarurot “…but it is not the language of the learned”. Totoo at marami akong alam na wika, Wikang Pambansa, mga wikang lokal, at mga wikang banyaga, at bilang isang Pilipinong aral (learned), gamit ko ang ating wika bilang wika ng mga aral. Katibayan ang artikulong ito. Kapatid, nakalimutan mo yata na maraming propesyunal at mga pulitiko natin ay ‘di matatas mag-Ingles. Napagtagumpayan nila ang kanilang mga larangan gamit ang Wikang Pambansa. Nakalimutan mo rin yata ang maraming manunulat ang nabubuhay dahil sa ating wika, tunay na wika ng Kabuhayan. Nakilala sila at naging bantog at higit pang aral kumpara sa kasalukuyang katayuan mo. At maraming tao na Ingles ang kanilang wika, ngunit sila ay mangmang, ‘di tapos, o ‘di nakapag-aral: “Fair dinkum, I don’t know how to spell that well mate, that’s why I call you.”
Bilang isang akademiko na nagturo ng Pilosopiya, just my two cents mate, why not take extra units in Ateneo’s Kagawaran ng Pilosopiya, take Introduction to Logic and Foundations of Moral Values in particular. I hope you’ll give a dime for this. It is for you to become more logical about some of your propositions in your article, and become more sensitive in delivering an issue like this, and hence, more sensitive about your readers since most of them are Filipinos. Yes, you might want to remind us of our neglect of our own language today, but at least, be more discreet on delivering the matter on the floor. Playing the devil’s advocate about the issue is not an excuse.
It is true that our language defines our identity. But with this identity, I want to quote my former professor Dr. Fernando Zialcita in his book Authentic Though not Exotic, “Identity simultaneously includes and excludes. To define yourself as a part of a group is to distance yourself from those who are outside it.” Mr. Soriano, you are truly connected and disconnected.
Isang pagtutuwid bago ako magtapos, ang ‘ay’ ay hindi isang preposition, isa siyang inversion marker, o maaari nating sabihin na isang linking verb, be-verb, o copula. Sa Tagalog o Filipino, ang word-order ay pinangungunahan ng Pandiwa (verb), kung kaya’t higit kang masmakaririnig ng mga pangungusap sa tunay na buhay tulad ng “Naglalaba si Maria” kaysa “Si Maria ‘ay’ naglalaba”.
I hope, with all these, everyone had learned, including me and Mr. Soriano, our lesson. Mabuhay ang Wikang Buhay! Mabuhay ang Filipino!
i am teary eyed as i read your article. ngayon ko mas nabigyan ng pagpapahalaga ang wikang Pilipino, nasa amerika ako ngayon nag aaral na fashion at papuntang Pransya sa taong 2012 para pagaralan ang wikang French. it pains me when i was reading his article...but yes it is also a wake up of sort...but still napakasakit. Siguro isa din ako sa mga taong mahilig mag ingles dahil pag ingles sinasabi nilang mas sosyal at may alam, pero dahil sa artikulo ni James Soriano, nagising ako sa katotohananng mas dapat kong mahalin ang aking sariling wika. Maraming salamat sa iyong artikulo. (ako'y naiiyak habang tinatype ko ito). Maraming Salamat muli. MABUHAY ANG WIKANG PILIPINO
TumugonBurahinSalamat Juan!
TumugonBurahin