Isang abala sa kanto | Isang abala sa pagtulog | Isang abala sa pagkain | at isang uripon

Isang abala sa kanto | Isang abala sa pagtulog | Isang abala sa pagkain | at isang uripon

Lunes, Agosto 29, 2011

(1) Hindi ako sigurado kung akin nga iyon

21 July 2011
ni tulalang isda


Hindi ako sigurado kung akin nga iyon. Maraming bagay na hindi ako tiyak. Tulad kanina, nagmamadali akong umalis sa bahay (magmumula sa Indang, sa Pasay ang punta ko) hindi ko matandaan kung nasarhan ko ang gate. Nakasakay na ko sa jeep nang parang maulinigan ko itong umiingit. Hindi ako tiyak na nasarhan ko. O baka may pumasok pala. O lumabas. Malakas ang ingit ng tarangkahan na yun; mangyari pa’y may kalumaan na nga tulad ng bahay na minana pa namin sa aking lolo sa tuhod. Basta, maraming bagay na hindi ako sigurado. Tulad nito: hindi ako tiyak kung akin nga iyon. Pwede kasing hindi. Malamang hindi. Pero paano kung oo? Anak ko raw iyong nasa sinapupunan nya. Okay. Anak ko raw. Maraming ulit na kaming nagtagpo sa mga bahay na walang kusina, pero sa tinatagal-tagal, ay ngangayon lang nagsabing may laman ang tyan at anak ko raw. Kung kelan ako magpapakasal sa nobya kong kauuwi lang galing sa Japan (namatay na ang asawa nitong matandang hapon), kung kelan plano ko nang lumagay sa tahimik saka naman bigla na lang nyang sasabihing “Buntis ako. Ikaw ang ama. Magiging tatay ka na.”

2 komento: