Isang abala sa kanto | Isang abala sa pagtulog | Isang abala sa pagkain | at isang uripon

Isang abala sa kanto | Isang abala sa pagtulog | Isang abala sa pagkain | at isang uripon

Huwebes, Agosto 25, 2011

Trending ang pag di-dyos dyosan

ni tulalang isda
Sa totoo lang, matagal ko nang ginawa itong imahe, noon pang kasagsagan ng isyu. Medyo nasusuya nga lang ako kahaharap sa kompyuter kaya eto ngayon ko lang nilapatan ng mga salita. Sabaw ang mga sumusunod. Antok na ko. 

Mukhang tulad nang nangyari mismo kay Kristo, itong si Mideo Cruz ay biktima ng pagiging 'iba' nya. Sa bayan nating gutom na gutom ang mga tao sa mga bago at naiiba tulad ng Facebook, bagong modelo ng cellphone, koreanovelas, usong damit, sapatos, usong girlfried, etc., kung bakit kapag ganito na ang bago, kung bakit kapag tungkol na sa intelektwal at akademiko ay nagiging  konserbatibo at makaluma muling bigla ang karamihan sa atin?

Totoo ngang kung ninanais ni Mideo na respetuhin sya, e di sana ay iginalang din nya ang Kristyanismo. Ngunit, para sa mga tunay na Kristyano, hindi ba nila nakikitang pakikiisa sa kanilang paniniwala ang mismong ginawa ni Mideo?

Una, nadaplisan ni Mideo ang alam na ng nakararami: na hindi dapat sinasamba ang mga imahe ng santo at mga larawan ni Kristo na para bang ang mga imahe na mismo ang dinidyos.

Bukod dyan, ang paglalapat ng mga ibat-ibang imahe tulad ng larawan ni Obama, Imelda Marcos, o di kaya ni FPJ katabi ng mga imahe ni Kristo ay pagpapaalala ng nagsusumigaw na katotohanan na ibat-iba ang nagpapanggap na dyos sa ating kawawang bayan:

Nariyan ang Amerika at ang kapitalismo, ang pera, ang pagkahaling sa kapangyarihan, ang midya, ang mga artistang parang sinasanto, ang ganda ng itsura, ang  mga bagay na kumikinang at natutumbasan ng salapi. Ang dami-daming nagsisiksikan sa pwestong ninakaw mula sa dyos.

Hindi ba, na ang mga ito ay salungat na sa turo ni Kristo? Hindi ba't tinuro ni Kristo ang kababaan ng loob at ang pagtingin sa mga di-materyal na bahagi ng buhay ng mas may pagpapahalaga kaysa sa mga nasusukat ng pera?

At tunay ngang may Politeismo: napakaraming dyos. Napakaraming nagpapanggap na dyos. Napakaraming nagnakaw sa pwesto ng dyos at tinrato ang kapwa bilang isang bagay na ginagamit para sa pansariling interes.

Higit pa dyan, ipinakikita rin ng likhang sining ni Mideo ang ating pagkahaling sa mga bagay na biswal, sa mga nakikita, sa mga bagay na nagdudulot ng ligaya sa mata. 

At ang kawalan ng tenga dahil sa prayoridad ng mata: 

Wala itong ipinagkaiba sa pagkahilig sa mga hubad na larawan, sa mga bagay na kumikinang, sa mukha ng magandang babae na wala namang laman ang utak, sa bulsa ng lalaking mataba ngunit hanggang matabang bulsa na lamang...wala itong pinagkaiba sapagkat pareho din itong panghuhusga sa ligayang dulot lamang sa mata.

Hindi ba mas kabastusan ang hindi pakinggan ang kapwa? 

Binging-bingi ang marami sa atin. Kung totoo man ang teorya ng ebolusyon, baka po sa susunod na henerasyon, paliit na ng paliit ang mga tenga ng mga tao. Tutal, ang dami namang hindi marunong makinig. Wala pa ngang inuusal si Mideo, nahusgahan na. Namura na. Tsk. 

At bilang pagtatapos, narito ang isang tanong:

Hindi kaya't ang mensahe ng politeismo ay para na rin sa ating lahat? 

Dahil maaring lahat tayo, minsan sa ating mga buhay nay nag-astang dyos at nakalimot sa pagiging Iba ng kapwa... 

Hindi man tayo pumatay, nanakit, nang-api o nang-abuso, ngunit maaring lahat tayo kahit minsan ay naging bingi sa paliwanag, idinikta ang ating paniniwala, iginiit na tayo ang tama nang hindi man lang pinakikinggan ang paliwanag ng ating kapwa. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento