ni tulalang isda
Nabasa ko na rin ang ilan pang artikulo ni Soriano na may kinalaman sa wikang Ingles at Filipino, halimbawa ito.
Ngunit sa tatlong artikulong nabasa ko, hindi ko pa rin maiwasang isipin na nagiging sarkastiko lamang si Soriano at na hindi talaga sya seryoso sa iginigiit nyang prayoridad ng wikang Ingles. Satire ngayong buwan ng wika, para maraming matauhan. Diba diba diba? (O baka ayaw ko lang maniwala na may ganoon kamalditong tao wahaha).
***
Sa pinagkakaguluhang artikulo sa kasalukuyan, pinupunto ni Soriano na kapos ang wikang Filipino sa mga intelektwal na diskurso at na hindi nito kayang tugunan ang mga pag-uusap halimbawa sa loob ng korte, sa pangangalakal, at sa agham.
Higit pa dyan, ibinahagi nya ang personal na karanasan sa bernakular: Na sapagkat sya ay hinubog sa mga institusyong (paaralan, simbahan, pamilya) nagturo sa kanyang magsalita, sumulat, mag-isip, at magdasal sa Ingles, ang wikang Filipino ay nagkaroon lamang ng silbi sa kanya kung nakikipag-usap sa "the people who washed our dishes,""the tindera when you went to the tindahan,” "your katulong that you had an utos," at upang hindi malamangan kung mamamasahe at sasakay sa jeep.
Maging patas tayo. Medyo kumabig din naman si Soriano dahil sinabi nyang sa kolehiyo, natutunan nya namang mayroon din itong sariling sistema ng pagbasa at pagsulat, at na mayroong mga konseptong Filipinong hinding-hindi maisasalin sa wikang Ingles.
Ngunit, katapus-tapusan, pinagmalaki nyang “I have my education to thank for making English my mother language,” sapagkat ito ang wika ng pribilehiyo.
Ngunit, maari rin namang tignan ang nasabing artikulo bilang isang pagsubok. Sa tingin ko nga, maaring nagsisilbing ‘devil’s advocate’ lamang sya—o kung gusto nyong mas malapit sa puso: pang-asar lang talaga si Soriano para parepareho tayong matauhan, haller?
Sa isang disenteng pahayagan nailathala ang nasabing artikulo. Naniniwala akong makataong edukasyon ang humubog kay Soriano, at naniniwala akong binubusisi muna ng mga patnugot ang mga artikulo bago mailathala ang mga ito. Nasa matino naman sigurong pag-iisip si Soriano at alam naman siguro nyang maraming maaaring magalit sa nasabing pyesa kung iyon nga mismong lumalabas na pakahulugan nito ang kahulugan nito.
Kung yun nga mismo ang pakahulugan ni Soriano, maari naman itong pagsimulan ng matiwasay na diskurso, imbis na manggalaiti ang marami sa atin.
***
imahe mula sa faculty.uml.edu |
"Filipino, on the other hand, was always the ‘other’ subject."
Ngunit, matapos na igiit ang pagiging ‘iba’ nito—iba sapagkat banyaga, hindi pamilyar, hindi gamay, sinabi naman nyang ang ‘ibang’ wikang ito ang ginagamit upang makipag-usap sa mga:
"the people who washed our dishes", "the tindera when you went to the tindahan", "your katulong that you had an utos”
na sa lipunang sinabi nyang kanyang ginagalawan ay ang syang mga iba!
Nakapagpapaalala ang bahaging ito ng artikulo ni Soriano sa isang Pilosopo mula sa Pransya na si Emmanuel Levinas. Binigyang ibang pakahulugan ni Levinas ang konsepto ng “Iba” o ng Other, mula sa tradisyunal at karaniwang pang-unawa natin dito bilang labis, hindi talaga orihinal na kasama, napasama lang, extra, bagahe, hindi mai-grupo atbp.
Para kay Levinas, ang Iba (partikular na ang ibang tao) ay palaging iba, at ang kaibahang ito ay sapat na upang hindi ito ikahon, ipasok sa isang sistema, pangalanan gamit ang sikolohiya, sukatin ang pagkatao sa istatistika, o busisiin ang karakter sa pamamaraan ng agham.
Bagkus, sapagkat Iba ang isang tao, (at iba ka rin) kailangang ang ugnayan ng mga tao ay nagpapanatili sa kaibahan ng bawat isa. Hindi halimbawa tinuturing ang kapwa bilang isang alikansya o kaha de yero, tulad na lamang ng ginagawa ng ibang Higanteng Bansa sa ating bayan. Hindi rin, halimbawa minamanipula ang ating mga kaisipan upang mapanatiling angat ang ibang bansa sa pamamagitan ng pagdidikdik sa ating isip ng mga kaisipan sa ibang wika.
Sa mga bahagi ng artikulo ni Soriano na sinipi ko sa itaas, ipinahihiwatig nito na nagiging “aping-iba” ang katulong, tindera, etc. At ang pagiging aping-iba nila ay iniuugnay sa pagiging iba ng wikang Filipino.
Ang ugnayang ito ay nagpapahiwatig na api ng Ingles hindi lamang ang wika natin, kundi tayo na rin mismong mga Pilipino. Ipinahihiwatig nito ang pagiging banyaga natin hindi lamang sa ating wika, kundi maging sa dapat sanay kinagisnan nating kamalayan.
***
Ang iniinsulto mismo nya ay ang sarili. Sya itong nagkaroon ng oportunidad na magkaroon ng pribilehiyo sa mahusay at de-kalidad na edukasyon ay banyaga naman po sa sariling wika, at na sya mismo ay higit pa sa malansang isda!
Sa huli, sa tingin ko ay sinusubok lamang naman tayong lahat ni Soriano:
“But perhaps this is not so bad in a society of rotten beef and stinking fish. For while Filipino may be the language of identity, it is the language of the streets. It might have the capacity to be the language of learning, but it is not the language of the learned.”
Ano pa nga ba ang pakahulugan ng sinipi sa itaas kung hindi ang mga ito: na repleksyon ng ating wika ang ating moralidad, na ang mga Pilipinong arawan kung gumamit ng wikang Ingles ay mas disente at edukado, na ang wikang Filipino ay repleksyon ng nabubulok nating lipunan.
Isang lipunang api at nagpapa-api, isang lipunang handang-handang tumanggap sa banyaga tulad ng chino-japan-koreanovelas ngunit hindi naman matanggap ang kaibahan ng isang likhang sining na ‘Politeismo’, isang lipunang haling na haling sa pagpapaputi na repleksyon kung gaano tayo ka uto-uto, isang lipunang alipin noon alipin ngayon ng Higanteng Bansa
At ang mga bayolenteng reaksyon natin sa nasabing artikulo: hindi bat repleksyon lamang ito ng kakulangan natin sa edukasyon, edukasyong de-kalidad na sa pinupunto nga ni Soriano ay para lamang sa mga may pribilehiyo
***
Gusto kong linawin na hindi ko kinukunsinti si Soriano. Bagkus, ang ipinupunto ko ay ito: na kung hindi man talaga satirikal ang artikulo, at na kung seryoso man talaga si Soriano sa isinulat nya, huwag po sana tayong manggalaiti sa taong iyon. Bagkus, ang dapat nating tignan ay ang kanyang mga pinaghuhugutan, ang ating lipunan, at ang ating kamalayan na repleksyon ng ating wika o mga wika at ng kung paano natin gamitin ang mga ito.
kung sa bisaya pa, "laggi!"
TumugonBurahinnaku ser, di kami pamilyar sa bisaya (tulalang isda)
TumugonBurahin